MANILA, Philippines — Lalapit ng isang hakbang ang nagdedepensang TNT Tropang Giga para sa posibleng series sweep sa karibal na Barangay Ginebra sa Season 49 PBA Governors’ Cup Finals.
Itinayo ng Tropang Giga ang 2-0 lead sa kanilang best-of-seven championship series ng Gin Kings.
At hangad ng TNT na tuluyang ibaon ang Ginebra sa lupa ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game Three sa Smart Araneta Coliseum.
Naging susi ng Tropang Giga sa dalawang sunod na dominasyon sa Gin Kings ang kanilang magandang three-point shooting.
Sa Game One ay nagsalpak ang TNT ng 12 triples habang may dalawa ang Ginebra at sa Game Two ay kumonekta ang PLDT franchise ng 14 tres kumpara sa pito ng SMC franchise.
“We take what the opportunities are in front of us,” ani coach Chot Reyes. “If they play us a certain way, then we take the penetration and drive. If they cover that, we make sure that we take the next best open shot.”
Sa panalo ng Tropang Giga sa Game Two ay bumanat si import Rondae Hollis-Jefferson ng 37 points tampok ang career-high na anim na triples.
“I was blessed. I gotta give credit to God. At the end of the day, I were able to compete at a high level, you know, and sustain it for a long time,” ani Hollis-Jefferson na naglaro ng kabuuang 48 minuto.
Tumapos naman si Justin Brownlee na may 19 markers, 9 boards at 3 sa panig ng Gin Kings.
Aminado si coach Tim Cone na may pagkakamali siya sa dalawang dikit na kabiguan ng Ginebra.
“We’ll figure out, figure out what’s going on, but right now I’m just being totally outcoached,” wika ng 66-anyos na two-time PBA Grand Slam champion mentor.
Hindi na kailangan ng Gin Kings na matalong muli para pigilan ang tangkang sweep sa kanila ng Tropang Giga na target ang ika-11 kampeonato.