Birada sa tres

Mukhang mas humirap ang trabaho ni coach Tim Cone na sawatain si Rondae Hollis-Jefferson pagkatapos talunin ito sa Hangzhou Asian Games.

Talo sa 2023 PBA Governors’ Cup finals, nakabawi si Cone kay RHJ sa Gilas-Jordan game sa Asiad gold-medal game.

Kaya lang si Hollis-Jefferson ngayon ang nag­ngingitngit makabawi kay Cone at kay Justin Brownlee.

At ang siste, hirap si Cone ngayon na pigilin ang TNT import.

Sa kanyang shiftiness, creativity at court smart, si RHJ ang dominanteng nagdidikta ng takbo ng TNT-Ginebra Last Dance II.

Deadly sa atake, pero dahil ibinibigay sa kanya ang tira sa labas, tumirada at tumikada si RHJ ng PBA career best six treys sa kanilang 96-84 panalo sa Game Two.

Kaya’t target na nila ang 3-0 lead ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Aminado si Cone: “Rondae has been amazing.”

Ani Hollis-Jefferson, trinabaho niya ang three-point shooting dahil alam niyang ibibigay ito sa kanya ni Cone gaya ng nangyari sa Hangzhou Asiad.

Ang masakit sa Ginebra, hindi lang si RHJ ang bumibirada ng tres sa TNT.

Sa Games One at Two, 26 three-pointers ang total ng TNT kontra sa siyam lang ng Ginebra.

At ito ang pagpipigaan ng pag-iisip ni Cone ngayon.

Show comments