TNT lumapit sa tiket sa Pba finals

Pinuwersa ni Calvin Oftana ng TNT si Gian Mamuyac ng Rain or Shine sa Game Four.

MANILA, Philippines — Lumapit ng isang hakbang ang reigning champion TNT Tropang Giga mula sa misyong ma­depensahan ang korona ma­tapos ang 81-79 panalo kontra sa Rain or Shine sa Game Four at maitayo ang 3-1 bentahe sa 2024 PBA Go­vernors’ Cup semifi­nals series kahapon sa Smart Ara­neta Coliseum.

Isinalpak ni reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson ang game-winning dunk sa huling 37 segundo para gabayan sa pagbalikwas ang Tropang Giga matapos ang napurnadang 3-0 abante sa Game Three, 110-109.

Tumabo ng 23 points, 19 rebounds, 5 assists, 5 steals at 5 blocks si Hollis-Jefferson upang banderahan ang Tropang Giga na magkakakoon ng tsansang makaabante na sa best-of-seven finals bukas sa Game Five sa Antipolo.

Nag-ambag ng 15 mar­kers at 11 rebounds si Rey Nambatac at may 15 points si Calvin Oftana

May siyam at walong puntos sina Jayson Castro at Poy Erram, ayon sa pag­kakasunod, habang nagbalik si Kelly Williams mula sa calf injury upang magdagdag ng limang marka para sa mga bataan ni coach Chot Reyes.

Kontra sa Elasto Pain­ters na determinadong ma­kadalawang sunod na pa­nalo upang maitabla ang serye, nahirapan ang Tropang Giga na kuma­wala agad at hindi nakala­mang ng double digits sa bu­ong laro.

Ganoon din ang ROS sa dikdikang laban tampok ang 10 deadlocks at siyam na lead changes hanggang sa makatabla sa 79-79 matapos ang and-one basket ni Santi Satillan sa huling 45 segundo.

Subalit mabilis na nakabawi ang TNT sa dak­dak ni Hollis-Jefferson sa sumunod na posesyon.

 

Show comments