Chua sinargo ang titulo sa Vietnam
MANILA, Philippines — Dalawang World champions ang kinaldag ni Filipino cue artist Johann Chua upang angkinin ang korona sa Hanoi Open Pool Championship, 2024 na nilaro sa Hanoi Indoor Games Gymnasium sa Vietnam, Linggo ng gabi.
Tinumbog ng reigning World Cup of Pool ruler na si Chua ang 13-7 panalo kontra two-time WPA World Champion Ko Pin Yi sa Race-to-13 finals sa event na nakalaan ang $200,000 prize fund na ikakalat sa top 96 pool players.
Una munang kinalos ng 32-anyos na si Chua si WPA 10-Ball at Nine-Ball, (2024-2017) king, Carlo Biado, 11-5 sa semifinals.
Posible sanang maging All-Filipino finals kaso naligwak si Jeffrey Roda nang yumuko kay Yi, 2-11 sa last four.
Kinubra ni Chua ang premyong $30,000, napunta ang $15,000 kay Yi habang tig-$9,500 ang semifinalists na sina dating WPA World Ten at Nine Ball championships king Biado at Roda.
Ramdam ng dalawang tumbukero ang pressure sa kaagahan ng laban dahil nagmintis agad sila sa mga easy shots sa 3-ball at 7-ball.
Nagwagi si Yi sa unang rack pero hindi nagpabaya si Chua, nang makakuha ng pagkakataong tumumbok ay kinadena nito ang apat na sunod na panalo.
Kaya naman nakakuha ng momentum si Chua at naging maingat ito sa kanyang mga tira para masungkit ang inaasam na titulo.
Sa walong nakapasok sa quarterfinals, apat ang Pinoy cue masters na tumumbok, ito’y sina Chua, Biado, Roda at Harry Vergara kaya komento ng mga billiards fans na nakasubaybay ay malaki ang tsansa nilang isa sa kanila ang magkakampeon.
- Latest