Converge sasagupa sa SMB sa quarters

MANILA, Philippines — Nasikwat ng Converge and No. 3. seed sa Group A papasok sa quarterfinals matapos ang 89-82 panalo sa Magnolia sa pagtiklop ng 2024 PBA Governors’ Cup elimination round ka­hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.

No bearing ang duwe­lo ng dalawang koponan dahil pareho nang pasok sa Top 4 ng Group A su­balit hindi pa rin nagpa­awat para sa momentum pa­pasok sa playoffs.

Humakot ng 27 points, 12 rebounds at 4 assists si import Jalen Jones para sa FiberXers na nagtapos sa ikatlong puwesto ng Group A hawak ang 6-4 baraha.

Selyado sa No. 4 ang Hotshots bitbit ang 5-5 kartada, habang No. 1 at No. 2 seed ang TNT Tropang Giga at Meralco hawak ang 7-2 at 6-3 marka, ayon sa pagkakasunod.

Nagdagdag ng 12 points si Justin Arana at may tig-10 markers sina Alec Stockton at Schonny Winston para sa mga bataan ni coach Franco Atienza na swak agad sa playoffs sa kanyang unang salang matapos mangulelat ang Converge noong na­karaang season.

Hindi magiging madali ang katapat ng Converge na sasagupain ang San Miguel, segunda sa Group B, sa best-of-five quarterfinals.

Sa kabilang banda, ta­nging sina Calvin Abueva at Peter Alfaro lang na may tig-11 points ang na­kapagpasiklab para sa Hotshots.

Mapapalaban ang koponan ni coach Chito Victolero bilang No. 4 seed sa Group A kontra sa No. 1 seed ng Group B na Rain or Shine (7-2).

Sumunod sa Elasto Painters ang SMB (6-4) at Ginebra (6-4).

 

Show comments