Jerusalem naging inspirasyon ang ina

Kumonekta ng right straight si Pinoy champion Melvin Jerusalem kay Mexican challenger Luis Angel Castillo.
Wendell Alinea

MANILA, Philippines — Bukod sa kanyang mga kababayan ay naging inspirasyon din ni Filipino world boxing champion Melvi Jerusalem ang kanyang inang si Miraluna.

Personal na pinanood ng kanyang nanay ang una­nimous decision win ni Jerusalem kontra kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City College Gymnasium.

Napanatilng suot ng 30-anyos na si Jerusalem (23-3-0, 12 KOs) ang kan­yang World Boxing Council (WBC) minimumweight crown.

“Sobrang pasalamat po talaga sa lahat ng su­mu­­suporta po lalo na ang gumawa nito na Blow by Blow dahil pangarap ko ta­laga na makalaban dito,” sabi ni Jerusalem.

Nalasap naman ng 27-anyos na si Castillo (21-1-1, 13 KOs) ang una ni­yang ka­biguan.

Kaagad pinatumba ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang Mexican fighter mula sa isang ma­tulis na right straight sa unang 25 segundo ng first round.

At mula rito ay ilang be­ses sumilip ng pagkaka­taon si Jerusalem para ma­patulog si Castillo.

“Hindi ko minadali ‘yung laban. Matibay e.h Hindi puwedeng mag­kum­piyansa,” sabi ni Jerusalem na isa sa dalawang tanging Pinoy reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na may suot ng International Bo­xing Federation (IBF) minimumweight title.

Sa pagtatapos ng laban ay humakot si Jerusalem ng mga iskor na 118-109, 120-107 at 120-107 mula sa tatlong judges.

Isang unification championship fight ang pinaplano ng kampo ni Jerusalem sa susunod na taon.

Show comments