MANILA, Philippines — Asahan ang matinding bakbakan sa paghaharap ng Pilipinas at China sa Universal Reality Combat Championship (URCC) Fight Night sa Setyembre 28 sa Octopus Bar.
Masisilayan ang kapanapanabik na aksyon tampok ang salpukan nina Filipino fighter Mark Palomar at Chinese bet Darui Tang sa main event.
Ito ang unang laban ni Palomar sapul nang magsimula ang pandemya kung saan pakay nitong muling buhayin ang kanyang Mixed Martial Arts career.
Huling nasilayan sa aksyon si Palomar nang talunin nito si Mark Gatmaitan noong Enero 11, 2020 sa Davao Urban FC Fight Night 17.
Matapos nito, sumalang sa iba’t ibang role sa entertainment industry si Palomar kabilang na ang pagiging stuntman sa ilang action movies at TV series gaya ng GMA primetime program Black Rider.
“I train everyday, and I do not miss any schedule especially now. I am very thrilled and excited,” ani Palomar.
Makakalaban ni Palomar si Tang na sasalang sa unang pagkakataon sa pro MMA.
“He will eat my fist, and I guarantee that,” ani Palomar.
Desidido naman si Tang na magkaroon ng magandang debut sa kanyang MMA career.