Eala swak sa ITF Spain doubles Finals
MANILA, Philippines — Umabante sina Alex Eala at partner Estelle Cascino ng France sa women’s doubles finals ng 2024 International Tennis Federation (ITF) Women’s 100 Tennis Tournament na ginaganap sa Vitoria-Gasteiz, Spain.
Naglatag agad ng malakas na puwersa sina Eala at Cascino upang mabilis na pataubin sina Maria Jose Portillo Ramirez ng Mexico at Noella Zeballos ng Bolivia sa bendisyon ng 6-2, 6-3 panalo sa semis.
Makakasagupa nina Eala at Cascino sina Lia Karatancheva ng Bulgaria at Diana Marcinkevica ng Latvia sa championship round.
Nakapasok sa finals sina Karatancheva at Marcinkevica matapos patalsikin sina Valeriya Strakhova ng Ukraine at Eden Silva ng Great Britain sa bendisyon ng gitgitang 3-6, 6-3, 12-10 panalo sa hiwalay na semis match.
Target ni Eala na masungkit ang ikatlong double title.
Nauna nang nagkampeon sina Eala at Cascino sa ITF Open 3C Seine-et-Marne sa France noong Marso.
Kasama naman ni Eala si Latvian Darja Semenistaja sa pagkopo ng women’s doubles title sa ITF Nuc-Deccan Women’s Doubles Tournament sa Pune, India.
Nakatakda pang humataw si Eala sa women’s singles quarterfinals kung saan makakatipan naman nito si Portillo Ramirez ng Mexico para sa tsansang makapasok sa semis.
Kasalukuyang nasa ika-155 puwesto si Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) world rankings.
Ito ang pinakamataas na puwestong nakamit ni Eala sa kanyang pro career.
- Latest