Habang mainit ang isyu dito sa buong Amerika tungkol sa hatol na ‘guilty’ sa 34 count o kaso sa dating US president na si Donald Trump, nakaligtas naman sa asunto at posibleng pagkakakulong ang No. 1 golfer sa buong mundo na si Scottie Scheffler.
Mabilis na natabunan ang balitang naaresto at nakulong si Scheffler na inaasahang maglalaro para sa USA sa nalalapit na Paris Olympics.
Nangyari ang insidente sa venue ng PGA Cham-pionship sa Kentucky noong May 17 ng maagang-maaga sa ikalawang round ng torneo.
Magulo noon ang paligid ng golf course kasi may nangyaring aksidente kung saan nasagasaan ng bus ang isang empleyado malapit sa golf course.
Barado ang trapiko nang dumating si Scottie at hinarang siya ng police officer pero nagpumilit nga siyang pumasok dahil nga malapit na ang tee off ng round 2 ng torneong nilalaro doon.
Nakaladkad niya ang pulis na nasaktan sa insidente kaya siya inaresto at dinala siya sa presinto at sa katunayan ay nakulong siya ng mahigit isang oras dahil sa apat na kaso sa kanya ng naturang police officer, pero nakalabas siya at nakalaro pa nga sa torneo ‘yung araw ding ‘yun.
Nito lamang May 29, iniurong ang lahat ng kaso laban kay Scheffler dahil miscommunication lang daw at walang sapat na ebidensya kasi may nakaharang na bus sa CCTV camera kung saan naganap ang insidente at hindi naka-on ang video camera ng police officer.
Sabi ng aking asawa, kung siya ang nakakaladkad sa pulis, siguradong kulong siya.
Habang nakaligtas si Scheffler, masaklap naman ang kapalaran ni Trump na naghihintay pa ng kanyang sentensya sa July 11 sa 34 counts na kaso tungkol sa pamemeke ng records sa panunuhol upang itago ang sex scandal na makakaimpluwensya sa resulta noong 2016 election.