NU kakalas sa 3-way tie
MANILA, Philippines — Pakay ng National University na kumalas sa three-way tie sa pagharap sa Adamson University sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Muling kakapitan ng Lady Bulldogs si Evangeline Alinsug upang itarak ang six-game winning streak at masolo ang top spot sa team standings.
Tangan ang 10-2 record, nakasiksik ang NU sa No. 1 kasama ang defending champions De La Salle University at University of Santo Tomas.
Nakatakda ang banatan ng NU at Adamson ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Far Eastern University at University of the Philippines sa alas-2 ng hapon.
Si Alinsug ang namuno sa opensa para sa Lady Bulldogs nang payukuin nila ang Lady Spikers, 22-25, 25-23, 25-16, 25-22, sa huli nilang laro.
Kaya naman inaasahang kay Alinsug kukuha ng lakas ang NU para mapatibay ang tsansa sa asam na solo top spot.
- Latest