Prime Factor pinasaya ang mga liyamadista
MANILA, Philippines — Pinasaya ng Prime Factor ang mga liyamadista matapos sungkitin ang panalo sa 2024 PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, noong Sabado ng hapon.
Hinablot agad ng liyamadong Prime Factor ang unahan paglabas ng aparato upang maipakita agad ang bilis pero nakadikit sa kanya ang Daily Burn habang nasa tersero puwesto ang Eye In The Sky.
Pagdating ng far turn ay binubuliglig pa rin ng Daily Burn sa unahan ang Prime Factor na sinakyan ni class A rider Mark Angelo Alvarez.
Subalit hindi nagpatinag ang Prime Factor, pagsapit ng huling kurbada ay unti unti ng iniiwanan ang makulit na Daily Burn at sa rektahan ay umungos na ang winning horse ng may limang kabayo ang agwat.
Tinawid ng Prime Factor ang meta ng may pitong kabayo ang lamang sa pumangalawang Eye In The Sky, tersero ang Big Battle habang pang-apat ang Uncle Vhines.
Nilista ng Prime Factor ang tiyempong 1:24.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P11k added prize.
Nakapag-uwi naman ang breeder ng nanalong kabayo ng P4,500 habang P1k at P500 ang second at third, ayon sa pagkakasunod.
- Latest