MANILA, Philippines — Posibleng magbalik-Gilas Pilipinas uli ang beteranong big man na si Japeth Aguilar.
Kasali sa training camp ng Nationals sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna at sasama rin sa byahe ng koponan pa-Hong Kong sa Lunes.
Napipisil si Aguilar na maging pansamantalang kapalit ni AJ Edu na umiinda pa ng torn meniscus injury na natamo niya sa Toyama Grouses sa Japan B. League.
Bagama’t may injury ay nagpakita pa rin sa training camp si Edu para sa solidong suporta sa Gilas.
Kung matutuloy, kukumpletuhin ni Aguilar ang Gilas 12 kasama sina Scottie Thompson, Jamie Malonzo, CJ Perez, June Mar Fajardo, Calvin Oftana, Chris Newsome, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, Dwight Ramos, Kai Sotto at naturalized player na si Justin Brownlee, na balik-Gilas din matapos ang FIBA suspension.
Sasalang ang Gilas kontra sa Hong Kong sa homecourt nito sa Tsuen Wan Stadium sa Pebrero 22 bago i-host ang Chinese Taipei sa Philsports Arena sa Pasig City sa Pebrero 25.
Matatandaang pagkatapos magwagi ng gintong medalya ng Gilas sa 2023 Asian Games Hangzhou, China ay sinabi ni Aguilar na posibleng iyon na ang huli niyang laro para sa bayan.
Si Aguilar, edad 37-anyos, ay nagsilbi ring kapitan ng Gilas sa 2023 FIBA World Cup na dito ginanap.
Siya ang longest-tenured Gilas player na nagsimula pa noong 2009 bilang isa sa pioneer players ng Smart Gilas.
Ngayon, kalabaw lang ang tumatanda para sa Sasmuan, Pampanga native sa isa na namang Gilas tour of duty sa gabay ng kanyang Barangay Ginebra mentor na si Tim Cone, na siyang napili bilang permanent national team head coach.