Leonard dinala ang Clippers sa panalo
LOS ANGELES — Kumamada si Kawhi Leonard ng 31 points para banderahan ang Clippers sa 119-98 paglunod sa Sacramento Kings at itala ang kanilang season-high five-game winning streak.
Nagtala si James Harden ng 15 points, 7 assists at 6 rebounds para sa pang-10 panalo ng Los Angeles (13-10) sa huli nilang 13 laro.
Pinamunuan ni Keegan Murray ang Sacramento (13-9) sa kanyang 17 points habang tumipa si Domantas Sabonis ng 15 points at 10 rebounds at may 14 markers si De’Aaron Fox.
Kinuha ng Clippers ang 70-48 halftime lead tampok ang walong three-pointers at 10-of-10 shooting sa free throw line patungo sa 99-70 pagbaon sa Kings sa fourth period.
Sa Boston, kumolekta si Jayson Tatum ng 25 points at 10 rebounds habang may 25 markers si Jaylen Brown sa 120-113 paggupo ng Celtics (17-5) sa Cleveland Cavaliers (13-11).
Sa Dallas, nagposte si Doncic ng 33 points at 17 assists at humataw si Tim Hardaway Jr. ng season-high 32 points sa 127-125 pagtakas ng Mavericks (15-8) sa Los Angeles Lakers (14-10).
Sa Chicago, umiskor si Reggie Jackson ng 25 points para pamunuan ang nagdedepensang Denver (16-9) sa 114-106 pagsapaw sa Bulls (9-16).
- Latest