Balik na sa dating gawi ang basketball activities sa bansa pagkatapos ng FIBA World Cup at ng 19th Asian Games.
Nauna nang umarangkada ang UAAP at NCAA.
At sa Nov. 5, magbabalik na rin ang PBA pagkatapos ng mahigit anim na buwan na pamamahinga sa pagbibigay daan sa kampanya ng Gilas sa World Cup at Asiad.
Lahat ay nagsasabing worth it ang sakripisyo ng mga ballclubs at ng buong liga dahil nagbunyi ang bayan sa tagumpay na narating ng national team sa Hangzhou Asiad.
Sa PBA Season 48 inaugurals, muling magsasama-sama ang koponan ni coach Tim Cone para tumanggap ng parangal.
At pagkatapos nito, eh hiwa-hiwalay na uli at balik magkaka-tunggali sa giyera sa PBA.
Ang tanong eh kung mauuga ba ang balanse ng liga sa pagpasok ng mga bagong mukha — sinasabing mabigat na grupo ng rookies.
O mananatili ang old order o mananatili ang pamamayagpag ng old stars at old powers sa liga.
Matagal ng haring uri ang San Miguel Beer, Barangay Ginebra, TNT Tropang Giga at Magnolia.
Meron bang ibang koponan na ready nang bumasag ng dominasyon na ito?
Malapit nang makita ang kasagutan dito.