Kai gigil nang lumaro sa FIBA World Cup

Kai Sotto.

MANILA, Philippines — Wala nang mas hihigit pa sa karangalang maging bahagi ng national team.

Kaya naman nilinaw ni Kai Sotto na handa itong ma­ging parte ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup na aarangkada sa Agosto 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Wala si Sotto sa training camp at pocket tournament ng Gilas sa Guangdong, China dahil sa back injury nito.

Ngunit tiniyak ni Sotto na makalalaro ito sa oras na sumalang ang Gilas Pilipinas sa mga susunod na tuneup games nito laban sa Montenegro at Mexico.

Nagbigay ng update si Sotto sa estado ng kanyang back injury.

Maganda ang rehabilitasyon nito at tinukoy nitong gumaganda na ang kalagayan ng kanyang likod.

“I think the rehab is going well. My back is much better already compared to when I was still in the U.S. I’m supposed to do 12 sessions and I’ve already done six, so slowly but surely, I’m doing my rehab and then I’m also including some weights,” ani Sotto sa  panayam ng Youtube Sports Channel Playitright TV.

Nagtamo si Sotto ng back injury sa kasagsagan ng kampanya nito sa NBA Summer League kung saan naglaro ito para sa Orlando Magic.

Dahil dito, hindi nakasama si Sotto sa 2023 Heyuan WUS International Basketball Tournament sa China.

Nangako naman si Sotto na agad itong sasalang sa ensayo sa oras na 100 porsiyento nang gumaling ang kanyang likod.

“While there’s still time before the first game, I’m just trying to maximize the days I have to make sure my back heals well so that when the World Cup comes, I’ll be well,” ani Sotto.

Malaking kara­ngalan para kay Sotto na makapag­laro sa national team partikular na sa FIBA World Cup na lalahukan ng pinakamatitikas na teams sa buong mundo.

Show comments