MANILA, Philippines — Muling masisilayan si wing spiker Marck Espejo suot ang national team jersey.
Ibabandera ng Pilipinas si Espejo sa AVC Challenge Cup na hahataw sa susunod na buwan sa Taiwan.
Masaya si Espejo na makabalik sa national team matapos hindi makasama sa 2023 Southeast Asian Games na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia noong Mayo.
Bilang paghahanda sa AVC Challenge Cup, sasalang ang Pinoy spikers sa tuneup games laban sa Netherlands at China.
Darating sa bansa ang Netherlands at China para lumahok sa Volleyball Nations League sa Hulyo.
Kaya naman sinamantala na ng Philippine National Volleyball Federation na makakuha ng pagkakataon na makaharap ng Pinoy players ang dalawang matikas na teams.
“I’m happy that I’m back with the national team and it’s a great opportunity to play, facing countries like the Netherlands. It’s going to be a big exposure for us players,” ani Espejo.
Inaasahang ilalabas ng Pinoy spikers ang buong lakas nito upang makasabay sa matikas na laro ng Netherlands at China.
Matapos nito, inaasahang tutulak na si Espejo sa South Korea kung saan maglalaro ito bilang import para sa Incheon Korean Air Jumbos.
Nakapaglaro na si Espejo sa Japan, Thailand at Bahrain.