MANILA, Philippines — Bumilib ang mga karerista sa Radio Bell nang manalo sa 2022 PHILRACOM-PCSO 3-Year-Old Locally Bred Grand Derby na inilarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Nakapanood ng magandang laban ang mga racing afficionados sa bandang rektahan kung saan nagtagisan ng bilis at puwersa ang Radio Bell, Gomezian, Basheirrou at Don Julio.
Sa largahan ay humarurot sa unahan ang Basheirrou at nakalamang ng apat na kabayong agwat sa nagmamasid na Radio Bell at Gomezian.
Pagdating ng far turn ay dinikitan ng Gomezian ang Basheirrou pero nakasunod anak ng Sakima at Radiaoactive Bell na Radio Bell kaya naman sa huling kurbada ay nagkapanabayan na ang tatlo.
Bakbakan ang naganap sa rektahan nang kukuha ng unahan ang Radio Bell at maging ang Don Julio ay rumemate sa bandang labas kaya hiyawan ang mga karerista sa loob ng karerahan.
Pero nanatili ang tikas ng Radio Bell at nakuha ang panalo sa event na suportado ng PHILRACOM sa ilalim ng pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Inilista ng Radio Bell ang tiyempong 1:51.8 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ang premyong P1.8 milyon ng winning horse owner na si Elmer De Leon ng Bell Racing Stable.
Pangalawang dumating ang Don Julio na nagbulsa ng P675,000, habang tig-P375,000 at P150,000 ang Gomezian at Basheirrou na dumating na tersero at pang-apat, ayon sa pagkakasunod.