Gazz Angels pasok sa PVL Finals
MANILA, Philippines — Pinataob ng PetroGazz ang Cignal HD Spikers sa kanilang rubber match, 25-21, 28-26, 15-25, 25-21, upang masungkit ang ikalawa at huling tiket sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sumandal ang Gazz Angels sa matikas na laro ni Myla Pablo na nagpakawala ng matatalim na atake kasama pa ang game-winning ace upang buhatin ang kanilang tropa sa ikatlong finals appearance.
Nakakuha pa ang PetroGazz ng solidong suporta mula kina outside hitter Grethcel Soltones, opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas at middle blocker Remy Palma para sa kanilang balanseng ratsada.
Tinapos ng Gazz Angels ang best-of-three semis series tangan ang 2-1 rekord.
Nakauna ang Cignal nang kunin nito ang Game One noong nakaraang linggo sa iskor na 25-21, 25-23, 25-23 bago nakaresbak ang PetroGazz sa Game Two sa pamamagitan naman ng pahirapang 25-22, 21-25, 22-25, 26-24, 18-16, noong Linggo.
Makakasagupa ng PetroGazz sa best-of-three championship series ang Creamline na nauna nang nagmartsa sa finals.
Winalis ng Cool Smashers kanilang hiwalay na best-of-three semis series laban sa Choco Mucho.
Magsisimula ang finals series ng PetroGazz at Creamline bukas sa MOA Arena.
- Latest