MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na laban ay hindi uli makakalaro si Kai Sotto para sa Adelaide 36ers sa Australia National Basketball League (NBL).
Hanggang ngayon ay may nararamdaman pa ring knee soreness ang 7-foot-3 Filipino sensation ayon sa injury bulletin ng 36ers kahapon bago ang laban nila kontra sa Tasmania JackJumpers.
Bukod kay Sotto ay hindi pa rin isasalang si Sunday Dech (quadricep), habang maglalaro na si Emmanuel Manuel (knee soreness) para sa Adelaide.
Dadayo ang 36ers sa MyState Bank ARena kontra sa JackJumpers ngayong 4:30 ng hapon.
Nauna nang yumukod ang Adelaide kontra sa Perth Wildcats, 73-85, at sa Illawarra Hawks, 71-81, para sa maalat na 0-2 simula ng kanilang kampanya sa regular season.
Kabaliktaran ito ng 5-0 pagwalis nila sa NBL Blitz preseason games noong nakaraang linggo tungo sa kampeonato.
Sa naturang torneo ay limitado lang din ang naging aksyon ni Sotto nang maglaro sa isang laban lang dahil din sa knee injury.