PHILADELPHIA — Sinalo ni guard Seth Curry ang naiwang trabaho ni center Joel Embiid sa pag-iskor ng 23 points para buhatin ang 76ers sa 113-103 pagdaig sa Portland Trail Blazers.
Ipinahinga ng Philadelphia (5-2) si Embiid, ang kanilang leading scorer at four-time All-Star, bukod kay Tobias Harris (health and safety protocols) habang nagkaroon si starter Danny Green ng hamstring tightness sa third period.
Ito ang ikatlong sunod na ratsada ng 76ers, kinuha ang 100-90 abante sa 6:44 minuto ng fourth quarter, na nakahugot kay Georges Niang ng 21 points.
Pinamunuan ni Norman Powell ang Trail Blazers (3-4) sa kanyang 22 points kasunod ang tig-20 markers nina Damian Lillard at C.J. McCollum.
Sa Boston, humataw si DeMar DeRozan ng 37 points at ibinangon ang Chicago Bulls (6-1) mula sa 19-point, second-half deficit para kunin ang 128-114 panalo sa Celtics (2-5).
Nag-ambag si Zach LaVine ng 26 points para sa Bulls.
Sa Atlanta, naglista si Trae Young ng 26 points at kumolekta si Clint Capela ng 16 points at 12 rebounds sa 118-111 paggupo ng Hawks (4-3) sa Washington Wizards (5-2).
Sa iba pang laro, tinalo ng Toronto ang New York Knicks, 113-104; iginupo ng Memphis Grizzlies ang Denver Nuggets, 106-97; hiniya ng Orlando Magic ang Minnesota Timberwolves, 115-97; binigo ng Los Angeles Clippers ang Oklahoma City Thunder, 99-94 at nilusutan ng Cleveland Cavalers ang Charlotte Hornets, 113-110.