MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay pinag-aaralan na ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang galaw ng mga posible niyang makalaban para sa suot na World Boxing Association (WBA) welterweight title.
Bagama’t wala pang pormal na pahayag kung sino ang makakaharap ni Pacquiao ay nagsimula na ang kanyang coaching staff sa scouting dahil walang balak magpakampante ang Pinoy champion.
Alam niyang panibagong pagsubok ang kanyang haharapin sa Hunyo.
Kaya naman kinukondisyon na niya hindi lamang ang katawan maging ang kanyang isip sa mga posibilidad na sunod na mangyayari.
Isa na rito si Mikey Garcia na tinukoy niyang isang agresibong boksingero.
“Mikey Garcia is a brawler, aggressive. He’s got different techniques also. So we need to practice and apply on that fight,” wika ni Pacquiao.
Kabilang din sa mga tinukoy ni Pacquiao ay si International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Council (WBC) welterweight champion Errol Spence Jr. na isa rin sa mga pinagpipilian.
“My assessment is Spence is the kind of boxer who can move, a slugger. If we’re going to fight, I need to focus on strategy, hand speed, footwork,” sabi ni Pacquiao sa American world titlist.
Sa Abril ang target date ng Team Pacquiao para simulan ang training camp para sa laban.