Makati kontra sa San Juan sa Finals
MANILA, Philippines — Kumonekta si Joseph Sedurifa ng tatlong sunod na triples para tulungan ang Makati Super Crunch sa 78-73 overtime win laban sa Manila Stars sa Game Three ng kanilang semifinals series papasok sa North division finals ng Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season noong Biyernes ng gabi sa San Andres Sports Complex.
Ang tres ni Sedurifa ang nagbigay sa Super Crunch ng 78-73 abante sa huling 1:17 minuto ng fourth period na nagpaguho sa pag-asa ng Stars.
Inangkin ng Manila ang 77-74 panalo sa Game One bago inagaw ng Makati ang Game Two, 75-59.
Magtutuos ang Super Crunch at San Juan Knights sa best-of-three title series bukas ng alas-6:30 ng gabi sa FilOIl Flying V Arena sa San Juan City.
Nakalusot na sana ang Makati sa regulation kung hindi lang nagmintis si Joshua Torralba sa kanyang 3-point attempt na nagresulta sa overtime, 67-67.
Kaagad kinuha ng Stars ang 17-7 bentahe sa first quarter bago nakabawi ang Super Crunch at kinuha ang 36-30 kalamangan sa likod nina Jong Baloria, Cedrick Ablaza at Rudy Lingganay.
Tumapos si Baloria na may 16 points para sa Makati at may 12 at 11 markers sina Sedurifa at Torralba, ayon sa pagkakasunod.
Nakahugot naman ang Manila ng 16 points, 8 rebounds at 6 assists kay Chris Bitoon kasunod ang tig-15 markers nina Mike Dyke at Aris Dionisio.
Nagkaroon naman si Stars top gunner Carlo Lastimosa ng foot injury sa unang minuto ng laro.
- Latest