MANILA, Philippines – Sabik na si dating NFL superstar Tim Tebow na katawanin ang Pilipinas sa prestihiyosong 2020 World Baseball Classic qualifying tournament na idaraos sa Marso 20-25 sa Kino Veterans Memorial Stadium sa Tucson, USA.
Ipinanganak sa Makati ang 32-anyos na si Tebow sa mga Amerikanong magulang na Baptist missionaries.
Naglaro siya para sa Denver Broncos, New York Jets, New England Patriots at sa Philadelphia Eagles sa NFL.
“Grateful and excited to play for team Philippines in the @WBCbaseball ... the country I was born in and somewhere that is near and dear to my heart!,” wika ni Tebow sa kanyang Twitter account.
Malaking tulong si Tebow sa national team dahil sa malalim niyang karanasan.
Tinulungan niya ang University of Florida para masungkit ang dalawang US national collegiate titles bago tuluyang kunin ng Denver Broncos noong 2010 NFL Draft.
Nakatanggap din si Tebow ng kaliwa’t kanang parangal kabilang na ang AP Player of the Year, Davey O’Brien Award, Heisman Trophy, Manning Award, Maxwell Award at Sporting News Player of the Year.
Kamakailan lamang ay ikinasal si Tebow sa kasintahang si Demi-Leigh Nel-Peters – ang South African na nagwagi sa 2017 Miss Universe.
Malapit ang puso ni Tebow sa Pilipinas.
Makailang ulit siyang bumabalik sa bansa para magsagawa ng mga charity works.
Ito ang unang pagkakataon na isusuot ni Tebow ang jersey ng Pilipinas.
Makakasagupa ng Pinoy squad ang Britain, New Zealand, Spain, Panama at Czech Republic.
Unang makakaharap ng Pilipinas ang Czech Republic sa Marso 20.
Ang mananalo sa Philippines-Czech game ang aabante kontra sa Panama sa semifinals.