UAAP women’s volleyball
MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagkawala ng ilang key players, nanatiling matikas ang line-up ng National University para sa UAAP Season 82 women’s volleyball tournament na aarangkada sa Pebrero 15 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ibabandera ng Lady Bulldogs si Filipino-Ja-panese middle hitter Risa Sato na siyang magsisilbing lider ng koponan.
Gagamitin ni Sato ang karanasang natutunan nito sa Creamline Cool Smashers na makailang ulit na nagkampeon sa Premier Volleyball League.
Ngayon lang ulit makalalaro si Sato dahil hindi ito nasilayan sa aksyon noong nakaraang taon bu-nga ng academic issues.
“Talagang babawi ako this year dahil hindi ako nakapaglaro last year. Sobrang nasaktan ako nun kaya parati ako nanonood sa laro ng NU. Gustong-gusto ko pumasok sa court,” ani Sato.
Binubuo ng beterano at bagitong manlalaro ang Lady Bulldogs na inaasam na malampasan ang kanilang sixth-place finish noong Season 81.
Isa sa inaabangan sa NU ang pagpasok ni 6-foot-2 outside spiker Margot Mutshima Kabasu ng Congo na nagtataglay ng pamatay na atake.
Nasilayan na sa aksiyon si Kabasu kasama ang Lady Bulldogs sa University Games kung saan kitang-kita ang dominante nitong laro hindi lamang sa wing side maging sa back row kasama pa ang solidong depensa sa net.
Makakasama nina Sato at Kabasu sina sophomore middle blocker Ivy Lacsina, libero Jen Nierva, open spiker Audrey Paran at rookie setter Renee Mabilangan.
Sa kabila ng pagkawala nina Season 81 Best Server Princess Robles at ace playmaker Joyme Cagande dahil sa magkaibang isyu, optimistiko ang Lady Bulldogs sa magiging kampanya nito.
May eligibility issue si Robles habang nagtamo ng ACL injury sa kanang tuhod si Cagande sa kanilang tune-up game laban sa College of Saint Benilde kamakailan.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nagka-ACL si Cagande. Noong Season 81, agad na natapos ang rookie year nito matapos magka-ACL sa kaliwang tuhod.
Gayunpaman, mataas ang moral ng Lady Bulldogs dahil sa pagpasok ng mahuhusay na manlalaro.
“Excited na ako this season. Sabi ko lang sa teammates ko happy happy lang sa paglalaro at sunod naman sila. Babawi talaga ako this season para mag-champion,” dagdag ni Sato.
Unang sasalang ang NU kontra Adamson University sa Pebrero 16 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.