LVPI kinilala ng FIVB bilang volleyball NSA
MANILA, Philippines — Tuluyan nang pumagitan ang International Volleyball Federation (FIVB) at inihayag nito na ang Larong Volleyball Sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ang tanging volleyball association sa Pilipinas na kinikilala ng international federation.
Nalito ang mga fans nang sumulpot sa social media na ang Philippine Volleyball Federation (PVF) ang national sports association (NSA) ng volleyball sa bansa, ayon sa listahan ng FIVB at hindi ang LVPI.
Sa liham na ipinadala ni FIVB general director Fabio Azevedo ng Argentina kay PVF president Edgar Cantada, bagama’t kasapi o affiliated pa rin ng pede-rasyon ng PVF ay wala na itong karapatan matapos magpasya ang Philippine Olympic Committee (POC) na hindi na ito kilalanin.
Habang ang LVPI naman ay ‘provisionally affiliat-ed sa federation matapos kilalanin ng POC noong 2015 kasabay ng pagkakasuspendi ng PVF sa volleyball governing body sa buong mundo.
“In 2015, the Philippine Olympic Committee took back the decision to no longer recognise the Philippine Volleyball Federation and chose instead to recognise Larong Volleyball sa Pilipinas as duly recognised sports association for volleyball in the Philippines,” bahagi ni Azevedo.
Dahil sa pahayag na ito, hindi tatanggapin ng Volleyball Confederation (AVC) ang mga delegadong ipapadala ng PVF sa mga torneo sa buong rehiyon na naka-schedule ngayong taon, ayon kay general ma-nager Ruengsak Siripol.
Matatandaan na kamakailan lang ay inihayag ni Cantada na magpapadala sila ng mga kinatawan sa walong AVC-sanctioned tournaments na gaganapin sa anim na bansa sa buong Asya.
Nakatakda ring magpadala ng kinatawan ang FIVB sa bansa sa darating na Pebrero para maki-pagpulong sa mga opisyales ng PVF, LVPI, POC at Philippine Sports Commission (PSC), para tuluyan ng tapusin ang isyung ito.
- Latest