SUBIC, Philippines — Ayaw paawat nina John Leerams “Rambo” Chicano at Kim Mangrobang matapos sumungkit uli ng isa na namang gintong medalya sa triathlon mixed team relay kahapon sa ikalawang araw ng 30th Southeast Asian Games dito sa Subic Bay Boardwalk.
Pinagpag nina Chicano at Mangrobang ang kanilang pagod nang trangkuhan ang dominanteng tagumpay ng Philippine triathlon mixed relay team, isang araw lamang matapos maghari’t reyna sa individual triathlons.
Kasama ang iba pang national team members na sina Fernando Casares at 2017 SEAG gold medalist Maria Claire Adorna, iniwan ng Pinas ang mga katunggali sa 340m swim - 6.6km bike – 1.8km run race sa bilis na isang oras, 33 minuto at 47 segundo.
“‘Yun talaga ‘yung strategy namin. Start strong, finish stronger. ‘Yun yung sinunod namin,” ani Mangrobang na unang kumarera bago sundan nina Casares at Adorna habang si Chicano naman ang natokang tumapos.
Ito na ang ikalawang gintong medalya nina Chicano at Mangrobang ngayong SEA Games.
Kamakalawa ay nagtala ng bagong SEA Games record si Chicano tungo sa kanyang unang gold sa men’s triathlon habang nasikwat ni Mangrobang ang ikalawang sunod na korona sa women’s side matapos ding magwagi noong 2017.
Samantala sa duathlon, pares ng ginto at pilak na medalya naman ang nakuha nina Monico Torres at Joey Delos Reyes, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ni Torres ang 10km run – 40km bike – 5km run na karera sa dalawang oras, walong minuto at 44 na segundo upang manaig kontra Sonsem Pareeya (2:11.18) ng Thailand at Thi Puong Trinh Nguyen (2:14.20) ng Vietnam na nagkasya lang sa silver at bronze medal, respectively.
Bigo namang makumpleto ng Pinas ang double gold sa duathlon nang sumegunda lamang si Delos Reyes kay Juahari Johan (1:52:51) ng Indonesia. Swak naman sa podium si Srinate Nattawut (1:53.05) ng Thailand.
Sa Subic Exhibit and Convention Center naman, sumikwat din ng gold at silver medal ang Philippine team sa pagsisimula ng pencak silat competitions.
Umani ng 670 puntos si Edmar Tacuel sa seni tunggal male category upang sukbitin ang ginto.
Samantala, ipagpapaliban ang limang water sports dito sa Subic bunsod ng inaasahang pagdaan ni bagyong “Tisoy”.