Double gold sa sepak takraw
SUBIC, Philippines — Doble gintong medalya kaagad ang sinikwat nina John Leerams “Rambo” Chicano at Kim Mangrobang sa triathlon para simulan ang pananalasa ng Pilipinas sa opisyal na pag-arangkada ng 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Subic Bay Boardwalk.
Natoka upang potensyal na makapagbigay ng unang ginto sa bansa, hindi binigo nina Chicano at Mangrobang ang Filipino homecrowd nang siguruhin ang ikalawang triathlon sweep ng bansa sa ikalawang sunod na SEA Games edisyon.
At sa record-breaking fashion ito ginawa ng hometown hero na si Chicano nang tapusin ang 1.5 km swim – 40 km bike – 10 km run sa isang oras, 53 minuto at 26 segundo lamang para sa pina-kabagong SEA Games triathlon record.
Binura ng Olongapo-native na si Chicano ang 1:59:30 marka ni Nikko Huelgas na siyang nanalo ng ginto noong 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan pumangalawa lamang siya.
“Para ito sa bayan,” ani Chicano na kumuha ng inspirasyon sa malakas na Pinoy homecrowd upang ipagpag ang mabagal na simula sa swim course nang kumawala sa bike at run legs. “Sobrang saya po, ito po yung simula ng next level triathlon sa Pilipinas.”
Bagama’t sa dulo lang nakakawala si Chicano, dominado naman ni Mangrobang ang women’s division simula’t sapul upang masungkit ang kanyang back-to-back SEA Games triathlon gold medal.
Subalit hindi pa ito ang misyon ni Mangrobang na inaming bahagi lamang ang biennial meet ng kanyang paghahanda para makasabit sa 2020 Tokyo Olympics.
“Tina-try naming mag-qualify sa Olympics para sa first Filipino triathlete so gagawin naming lahat,” ani Mangrobang na tinapos ang karera sa 2:02:00.
Bukod naman sa double-gold sweep, double-silver din ang nagawa ng Nationals matapos sumegunda sina Andrew Kim Remolino (1:55:03) at Nethavani Octaria (2:16:33) sa men’s at women’s divisions, ayon sa pagkakasunod.
Nagkasya lang sa pares ng bronze medals ang Indonesian pair nina Muhammad Ahlul Firman (1:57:10) at Nethavani Octaria (2:16:33) sa men’s at women’s categories din, ayon sa pagkakasunod.
Samantala sa iba pang gold medal matches dito sa Subic, wagi rin ng kambal na gold medal ang Philippine sepak takraw team nang manalo sa men’s at women’s hoop event.
Tatangka ang Filipino sepak takraw bets na maipagpatuloy ang magandang kampanya sa pagsisimula naman ng preliminary ng centrepiece event na regu ngayon sa parehong venue.