MANILA, Philippines — Nagkaroon ng tsansa si Kiefer Ravena na maging pinakamatagumpay na basketbolista sa kasaysayan ng Southeast Asian Games matapos mapasali sa final 12 line-up ni coach Tim Cone at ng Gilas Pilipinas para sa nalalapit na regional sports fest.
Hawak ang apat na gintong medalya na siyang pinakamarami na kasaysayan, may pagkakataon pa ngayon ang NLEX star guard na mapalawig ito sa pambihirang limang gold medals sa pagbubukas ng biennial meet sa Nobyembre 30.
Hindi inaasahan ni Ravena na mapapasali pa siya sa naturang final 12 roster lalo’t hindi naman siya kasama sa original na 15-man training pool ni Cone noong una. Subalit nadale ng injury ang veteran point guard na si Jayson Castro noong nakaraang buwan na nagbigay-daan kay Ravena upang maging replacement na nagbunga naman nang makaabot niya sa final cut.
Nauna nang nagkampeon sa SEA Games si Ravena noong 2011 Jakarta, Indonesia, 2014 Naypyidaw, Myanmar, 2015 Singapore at 2017 Kuala Lumpur, Malaysia SEA Games.
Makakasama ni Ravena sa roster ang nakatuwang niya noong 2017 na sina Troy Rosario ng TNT at Christian Standhardinger ng Northport gayundin ang kanyang mga kakampi sa 2019 FIBA World Cup na sina Japeth Aguilar ng Ginebra, RR Pogoy ng TNT at June Mar Fajardo ng San Miguel.
Pasok din sa line-up sina Vic Manuel ng Alaska, Matthew Wright ng Phoenix, LA Tenorio ng Ginebra gayundin sina Chris Ross at Marcio Lassiter ng San Miguel.
Samantala, ipinahayag naman ni SBP President Al Panlilio ang final team na binuo ni Cone na tatangkaing makuha ang ika-18 titulo sa SEAG.
“Although the decision was surely not easy, the SBP has complete trust in the team and we’re excited to defend our crown as the best basketball team in the region,” ani Panlilio na team governor din ng Meralco at president ng Smart.