Fajardo, Perez, Ravena naggigitgitan
MANILA, Philippines — Dikdikan ang karera para sa 2019 PBA Governors’ Cup Best Player of the Conference papasok sa quarterfinal round.
Bahagyang nasa unahan si June Mar Fajardo ng San Miguel na may tsansang masikwat ang ika-9 na BPC, habang nakabuntot lamang sa kanya sina CJ Perez ng Columbian at Kiefer Ravena ng NLEX.
Nagrehistro ang five-time PBA MVP na si Fajardo ng 18.8 points, 13.6 rebounds, 1.9 assists at 1.2 blocks sa 11 elimination round games para sa Beermen upang makaipon ng 38.4 statistical points (SPs).
Sumesegunda si Perez na nakakolekta ng 37.2 SPs matapos maglista ng 23.2 markers, 8.1 rebounds, 5.2 assists at 2.5 steals.
Sa kasamaang palad, laglag na ang Dyip kaya’t hindi na madaragdagan ang SPs ng super rookie na maaaring magtanggal sa kanya sa karera.
Inaasahan namang makikipagsabayan sa BPC race si Ravena ng NLEX lalo’t nasa tersera puwesto lamang siya hawak ang 36. 1 SPs matapos mabitbit sa top seed finish ang koponan.
Nagposte si Ravena ng 15.5 points, 5.5 rebounds at 8.2 assists sahog pa ang 1.6 steals.
Palaban din sina RR Pogoy (35.3 SPs) ng Talk ‘N Text at Raymond Almazan (33.8 SPs) ng Meralco na nasa No. 4 at No. 5 seats, ayon sa pagkakasunod.
Samantala sa Best Import race naman ay nangunguna si KJ McDaniels ng TNT na nakalikom ng 61. 1 SPs sa likod ng league-best na 37.1 markers, 13.9 rebounds, 5.02 assists at 3.5 blocks.
Nakabuntot sa kanya sina Michael Qualls (52.6 SPs) ng Northport, Allen Durham (56.0 SPs) ng NorthPort, Justin Brownlee (55.8 SPs) ng Ginebra at Manny Harris (55.3 SPs) ng NLEX.
- Latest