Porac naghari sa 3x3 MelMac Cup 5th leg
MANILA,Philippines — Tinabunan ng Big Boss Cement-Porac ang Phenom Basilan CTC Construction, 21-14, para sikwatin ang titulo ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 MelMac Cup fifth leg kamakalawa ng gabi sa Gold’s Gym Sheridan sa Mandaluyong City.
Ito ang unang titulo ng Porac sa 3x3 national league matapos magkasya sa pares ng runner-up finishes kontra sa Pasig sa nakalipas na dalawang legs.
Bumida para sa Porac ang dating Adamson Falcon na si Ryan Monteclaro na naglista ng 10 points kabilang ang game-winning deuce para masiguro ang tagumpay ng Builders sa 3x3 league na suportado rin ng Coca Cola at Gold’s Gym.
“Hindi namin ito ine-expect. Ngayon, nagkaroon ulit kami ng chance and fortunately, nag-click kaming lahat,” ani Monteclaro na No. 29 ranked 3x3 player ngayon sa bansa.
Matapos ang masakit na second place finishes sa third at fourth leg ay sinuwerte sa wakas ang tropa upang maging ikalawang koponan ngayon na magwagi ng 3x3 leg bukod sa Balanga.
Tatlong leg na ang nabulsa ng No. 1 ngayon sa overall rankings na Pasig.
“Pinaghirapan talaga namin and we just took advantage of the opportunity kasi lagi na lang Pasig at Balanga,” dagdag ni Monteclaro lalo’t sinilat nila ang Pasig sa semifinals, 21-20.
Sumuporta kay Monteclaro si Ford Ruaya na may apat na puntos para sa Porac na nauwi rin ang P100, 000 premyo.
Nagkasya ang Phenom-Basilan CTC Constructionsa sa P30,000 at P20, 000 ang naiuwi ng Pasig na pumangatlo.
Sa women’s division, binitbit ni Gilas Pilipinas women standout Janine Pontejos ang Ever Bilena kontra sa Team X, 21-9.
Nagtala ng 11 points si Pontejos para masiguro ang P20,000 pabuya ng Ever Bilena.
- Latest