Baron ‘di makapaniwala
MANILA, Philippines — Hindi na naitago ni F2 Logistics middle blocker Majoy Baron ang kanyang pagkagulat matapos pangalanang Most Valuable Player (MVP) ng Invitational Conference ng Philippine Superliga (PSL).
Kasabay ng matagumpay na pagdedepensa ng Cargo Movers sa kanilang korona sa kumperensiyang ito, nasikwat din ng national team member na si Baron ang MVP plum bukod pa sa 1st Best Middle Blocker award.
“Nagulat ako kasi akala ko Best Middle lang tapos may MVP pa pala. ‘Di ako makapaniwala. Sobrang blessing. Ang daming blessings na ibinigay ni Lord sa akin this year,” sabi ni Baron, na kamakailan lang ay dalawang beses na pinangalanan bilang Best Middle Blocker sa dalawang leg ng ASEAN Grand Prix. “Mas nakaka-inspire pa na mag-improve and mag-improve since parang nasusuklian yung efforts.”
Kahit na sunud-sunod ang natatanggap na individual award ni Baron nga-yong taon ay hindi niya ito masyadong iniisip dahil ang mas prayoridad niya ang mas mapaganda pa ang kanyang laro.
“’Yung effort lang din talaga ang ibibigay ko every time and kung masuklian man, magiging thankful ako dun, pero mas focused ako on impro-ving every time,” dagdag niya.
Pinarangalan din ang mga natata-nging manlalaro gaya ni Sisi Rondina ng Petron na Best Scorer at 1st Best Outside Spiker, 2nd Best Outside Spiker naman si Shaya Adorador ng Foton at 2nd Best Middle Blocker si Roselyn Doria ng Cignal.
Nagwagi rin si Angel Legacion ng Petron bilang Best Setter, Best Opposite Spiker naman ang beteranong si Aiza Maizo-Pontillas ng Petron at naiuwi naman ni Foton libero Jen Reyes ang Best Libero plum.
Nakatakdang lumipad bukas patungong Tokyo, Japan si Baron at ang buong national team bilang bahagi ng kanilang pagsasanay at paghahanda sa 30th Southeast Asian (SEA) Games, na tatagal hanggang Nobyembre 1. FJ
- Latest