Blaze Spikers hinataw ang semis slot

Nag-unahan sa paghataw ng bola sina Clodia Cortez ng Petron at Rosalyn Doria ng Cignal.
PM photo ni Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Limang sets ang gi­na­pang ng Petron Blaze para nakawin ang ikala­wang upuan sa knockout semifinals nang pa­dapain ang Cignal HD, 25-11, 20-25, 25-22, 25-27, 16-14, sa 2019 Phi­lippine Superliga (PSL) Invitationals ka­hapon sa Caloocan Sports Complex.

Nadagit din ng last year’s runner up ang pang-limang sunod ni­lang panalo para ma­agaw ang top spot ng Pool C bitbit ang 5-0 kartada.

Nag-init si UAAP Sea­son 81 MVP Sisi Ron­dina para balikatin ang Blaze Spikers tungo sa panalo nang pumalo ng 33 points mula sa 29 attacks at 4 aces, habang tumipak ng 21 markers si Aiza Maizo-Pontillas.

Naramdaman din si Bernadeth Pons na nagtala ng 8 pointss, 19 digs at 8 receptions at si Angel Legacion ang nagmando sa plays ng Petron sa likod ng kanyang 19 excellent sets.

“Coming into this game, sabi nga namin, kailangan naming tanggalin ‘yung sumpa na iyon. Ang ginawa namin, hindi kami tumigil. Basta nasa taas ‘yung bola. Stick to the game plan kami. Hindi kami bu­mitaw,” wika ni Rondina.

Tangan ang kumpiyansa matapos kunin ang 2-1 set advantage, umalagwa kaagad ang Blaze Spikers sa fourth set at mabilisang dina­la sa 24-17 ang laro .

Pero nanggulat ang HD Spikers at ipinoste ang 8-1-atake para itab­la ang laban sa 25 at maipuwersa ang decider sa down the line hit ni Jovelyn Gonzaga.

Unti-unting kinontrol ng Cignal ang fifth at agarang nabitbit ang 9-5 kalamangan.

Ngunit kaagad ding sumagot ang Petron at dinala ito sa 13-all sa tulong ni Rondina hanggang sa tuluyan nilang angkinin ang laro dahil sa magkasunod na error nina Rachel Ann Daquis at Alohi-Robins-Hardy.

Nagtapos na may 20 points si national team member Mylene Paat para sa HD Spi­kers.

 

Show comments