Durant, Irving pinasabik ang mga fans ng Nets
NEW YORK -- Ipinakita ni injured star Kevin Durant ang bago niyang jersey at nakuhanan si Kyrie Irving ng litrato na nagpapapawis sa kanyang paglalaro para sa Brooklyn Nets sa darating na NBA season.
Halos dalawang linggo bago ang pagsisimula ng kanilang pre-season schedule at biyahe sa China sa susunod na buwan para labanan ang Los Angeles Lakers, pinasabik ng Nets ang pag-aabang ng kanilang mga fans sa 2019-20 season sa pamamagitan ng mga Twitter postings.
Nagkaroon si Durant ng ruptured right Achilles tendon sa nakaraang NBA Finals at inaasahang hindi makakalaro sa 2019-20 season para sa Brooklyn matapos iwanan ang Golden State Warriors.
Ipinasilip ni Durant ang bago niyang black and white No. 7 jersey para sa Nets makaraang itabi ang dating No. 35 na isinuot niya sa dalawang beses na paghahari ng Warriors.
Sumunod sa kanya si Irving, ang six-time NBA All-Star guard, na nagwagi ng NBA title kasama si LeBron James sa Cleveland Cavaliers noong 2016.
Nilisan ni Irving ang Boston Celtics na nilaruan niya ng dalawang seasons.
Ang 27-anyos na backcourt star ay ipinanganak sa Melbourne, Australia.
Sisimulan ng Nets ang kanilang pre-season training camp sa susunod na linggo bago labanan ang Brazilian club SESI/Franca sa Oktubre 4 diretso sa China kung saan nila makakatapat si James at ang Lakers sa pre-season contests sa Oktubre 10 sa Shanghai at sa Oktubre 12 sa Shenzhen.
- Latest