MANILA, Philippines — Isa si point guard Kiefer Ravena sa dalawang player ng Gilas Pilipinas na napiling sumailalim sa isang random drug test bago ang 2019 FIBA World Cup dito.
Sinabi ng 25-anyos na si Ravena na inasahan na niyang mangyayari ito sa kanya matapos mapatawan ng 18-month suspension ng FIBA.
Ito ay sa pagiging positibo sa pagkakaroon ng banned substance sa kanyang katawan mula sa iniinom niyang energy drink.
Positibo si Ravena sa methylhexanamine, 1,3-Dimethylbutylamine at higenamine, nasa listahan ng mga banned substances ng World Anti-Doping Agency, na nakita sa kanyang pre-workout drink na ‘DUST.’
Dahil dito ay binawalan ng FIBA at ng PBA si Ravena na makilahok sa anumang ensayo o laro ng Gilas Pilipinas at NLEX.
Ginawa ang nasabing random drug testing matapos ang laban ng Nationals sa Japan noong nakaraang 2018 FIBA Asian qualifiers.
“It’s really funny but at the same time, completely understandable,” sabi ni Ravena.
Natapos ang nasabing suspensyon kay Ravena noong Agosto 24 kaya siya muling nakapag-ensayo para sa Gilas Pilipinas at NLEX.
Dumaan din sa naturang random drug test si five-time PBA MVP June Mar Fajardo.
Kumpiyansa sina Ravena at Fajardo na walang makikitang banned substance sa kanilang mga katawan.
Isasagawa ng WADA ng naturang proseso sa kabuuan ng 2019 FIBA World Cup.
Samantala, inireklamo naman ng Italy at Angola ang eksperyensa nila sa Foshan International Sports and Cultural Center habang nag-eensayo.
Sa kanyang Twitter acctount, ay sinabi ni American coach Will Voigt ng Angola na hindi sila pinagamit ng conference room para sana sa kanilang pagpupulong.
“We were refused a conference room, there is no internet working and they are charging everyone to wash practice gear and uniforms. You can do better China & @FIBA,” ang tweet ni Voigt.
Hindi naman binigyan ng bola ang mga Italians para sa kanilang ensayo.
Ang Italy ang unang lalabanan ng Gilas Pilipinas sa pagsisimula ng torneo.
Nakatakda ang nasabing laro ngayong alas-7:30 ng gabi.