MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng F2 Logistics ang titulo ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference nang kanilang ma-sweep ang Cignal HD Spikers sa pamamagitan ng straight sets 25-14, 25-16, 25-19 sa Game 2 kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Taliwas sa inaasahang isa na namang mahigpit na labanan, tinapos ng Cargo Movers ang best-of-3 serye sa 2-0 panalo sa loob lamang ng tatlong sets.
Sa Game One, naging dikit at gitgitan ang laban ng dalawa, parehong ayaw bumitaw at lumalaban, parehong gustong maungusan ang kalaban pero sa huli ang Cargo Movers ang nanaig sa bisa ng 25-22, 26-24, 18-25, 17-25, 15-8 panalo.
Hindi na hinayaan pa ng Cargo Movers na humulagpos sa kanilang kamay ang tagumpay nang magpa-kawala ang buong tropa ng matatalim na atake para matamis na maibalik sa kanilang palad ang korona.
Bumandera sa matikas na ratsada ng F2 Logistics si Filipino-American Kalei Mau na tumapos ng 19 points mula sa kanyang 17 Attacks, 1 ace 1 block at nakatulong niya si Kim Dy na may 13 points mula sa (9 attacks at 4 blocks).
Huling napasakamay ng Cargo Movers ang titulo sa All-Filipino tourney noong 2016 nang pabagsakin nila ang Foton Tornadoes at mula noon ay hindi na nila nagawang angkinin ito.
Sa kabuuan, mayroon nang apat na korona ang Cargo Movers sa liga sapul nang sumabak ito noong 2016.
Maliban sa kanilang dalawang All-Filipino Conference titles, nagkampeon din ang Cargo Movers sa Grand Prix noong 2017 sa pangu-nguna nina Venezuelan import Maria Jose Perez at American reinforcement Kennedy Bryan,at noong 2017 Invitational Conference.
Masaya si Mau na natulungan nito ang F2 Logistics na mabawi ang korona. “I want it more than anything. The mindset is that it’s ours. Every opportunity we get, every set I get, I’m going to put it down because we’re not playing around. The stakes are high and I’m happy to get my first title,” ani Mau na open spiker ng Arizona Wildcats sa US National Collegiate Athletics Association. (Fergus E. Josue, Jr.)