MANILA, Philippines — Habang hindi pa rin naitataas ang kanyang indefinite suspension sa Philippine Basketball Association (PBA), itinuon ni Calvin Abueva ang kanyang atensyon sa pagdaraos ng basketball camp para sa kabataan na nais ding makarating sa pro-league balang araw.
Giniyahan ni Abueva ang naturang camp para sa mga batang basketball players ng Pampanga na pinangalanang ‘Delta Basketball Training Camp’.
Inorganisa ito ni Pampanga Governor Dennis ‘Delta’ Pineda na matalik na kaibigan at long-time team manager ni Abueva.
Magandang hakbang ito para sa 31-anyos na manlalaro lalo’t sa kalagitnaan ng mga kontrobersyang pumapalibot sa kanya ngayon.
Matatandaang sa kalagitnaan ng katatapos lang na 2019 PBA Commissioner’s Cup ay napatawan ng PBA si Abueva ng indefinite suspension bunsod ng nagpatung-patong na violations.
Nagkaroon ng sigalot si Abueva sa kasintahan ni Bobby Ray Parks Jr. sa laban noon ng Phoenix at Blackwater na nasundan naman ng away nina Abueva at TNT Katropa import Terrence Jones.
Matapos iyon ay napaugong din ang hiwalayan ni Abueva at ng kanyang asawa. Nakita rin si Abueva na sumali sa ‘Ligang Labas’ sa Montalban, Rizal na bawal ayon sa panununtunan ng PBA bilang pro-league at ng kanyang mother team na Phoenix.
Lumutang ang samu’t saring trade rumors dahil sa mga isyu na ito ng dati ring Gilas Pilipinas player na pinabulaanan naman agad ng Fuel Masters management sa pagsigurong wala sa trade rumors ang kanilang star player.
Wala pang ulat kung kailan nga ba matatanggal ang indefinite suspension ni Abueva.
Halos isang buwan pa bago ang susunod na torneo ng PBA na 2019 Governors’ Cup ang magbubukas sa Setyembre 20 pagkatapos ng 2019 FIBA World Cup.