Makati Super Crunch hindi nagkamali kay Montalbo

MANILA, Philippines — Hindi nagkamali ang Makati Super Crunch sa pagtapik kay point guard Kib Montalbo.

Isinalpak ni Montalbo ang kanyang buzzer-beating jumper para akayin ang Super Crunch sa dramatikong 96-94 paglusot laban sa Pampanga Giant Lanterns sa MPBL Lakan Season kamakalawa ng gabi sa JCSGO Gym sa Quezon City.

Iniskor ni Montalbo, kamador ng La Salle Green Archers sa UAAP ang huling apat na puntos ng nasabing laro kasama ang tirada na nag-akay sa Ma­kati sa kanilang ikaapat na sunod na arangkada para pagandahin ang baraha nila sa 8-1.

Pinatibay ng Super Crunch ang paghawak sa third spot sa Northern Division sa ligang inorga­nisa ni Senator Manny Pacquiao kasama si PBA le­gend at dating MVP Kenneth Duremdes bilang Commissioner.

Pinatahimik ng Makati ang Pampanga sa loob ng apat na minuto kasabay ng pagpapakawala ng 14-3 atake tampok ang game-winner ni Montalbo.

Samantala, dumiretso naman ang Caloocan Su­pre­mos sa kanilang pang-limang dikit na ratsada ma­tapos talunin ang Parañaque Patriots, 90-75.

Nagposte si guard Almond Vosotros ng MPBL personal high na 5 points, tampok dito ang 6-of-9 shoo­ting sa three-point line, para sa 6-5 marka ng Supremos.

Pinadapa naman ng Pasig-Sta. Lucia Realtors ang Quezon City Capitals, 91-82 para makabalik sa winning track matapos ang naunang kabiguan.

Itinaas ng Realtors ang kanilang kartada sa 7-3 para patuloy na solohin ang pang-apat na puwesto sa Nor­thern Division.

Show comments