Tan at Rodriguez umabante sa Round of 12 ng beach volley
MANILA, Philippines — Rumesbak sina Bea Tan at Dij Rodriguez nang itarak ang matikas na 21-7, 21-15 demolisyon kina Malaysians Tan Hsi Yan at Tasha Mae para umabante sa Round of 12 kahapon sa FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open sa White House Beach Station 1 sa Boracay Island.
Matapos lumasap ng 21-17, 13-21, 14-16 kabiguan laban kina Singaporeans Eliza Chong at Lau Ee Shan ay ibinuhos nina Tan at Rodriguez ang kanilang ngitngit para patalsikin sa kontensyon ang Malaysian pair.
Lumasap naman ng unang kabiguan sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons nang matalo ang Pinay duo kina Japanese tandem Satono Ishitsubo at Asami Shiba, 16-21, 19-21.
Kumuha ng puwersa sina Rondina at Pons sa malakas na sigawan ng Pinoy supporters sa venue para makipagsabayan sa World No. 86 na sina Ishitsubo at Shiba.
Subalit kapos pa rin ang inilabas na lakas nina Rondina at Pons para mahulog sa 1-1 marka.
Nauna nang tinalo nina Rondina at Pons sina Shinako Tanaka at Miyuki Matsumura ng Japan sa opening day, 21-14, 21-8.
Namaalam na sa kontensyon sina Jackie Estoquia at DM Demontaño makaraang tumupi kina Russians Ekaterina Filina at Ekaterina Zazhigina, 14-21, 21-19, 13-15.
Nakatakda ang mga bakbakan para sa quarterfinals slots kagabi.
- Latest