MANILA, Philippines — Nakaiwas sa malaking kabiguan ang Che’Lu Bar and Grill kontra sa Family Mart-Enderun, 77-72, upang mapanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa playoffs ng 2019 PBA Developmental League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City kahapon.
Matapos maiwan sa hanggang 15 puntos ay nagising ang Revellers sa panguguna ni Most Valuable Player Jeff Viernes na tinuldukan ang pag-aalsa nila sa nagliliyab na tres sa huling 43.5 segundo para sa 75-72 kalamangan.
Sapat na iyon upang maipagpag ng Che’Lu ang Family Mart patungo sa tagumpay.
Bunsod nito, umangat sa 6-3 ang baraha ng Revellers para makasalo sa ikatlong silya sa Aspirants Group ang Petron (6-3).
Nasa likod lang nila ang St. Clare at Go For Gold na kapwa may 5-3 kartada at pwede pa ring makaabot sa playoffs.
“No matter what happens, we should end with a win,” ani coach Stevenson Tiu. “Wala na sa kamay namin ang fate namin. We’re just hoping for the better na lang.”
Tumipa ng 13 points, 5 rebounds at 5 assists si Viernes, habang may 17 markers at 17 rebounds si Alfed Batino.
Nagdagdag din ng 13 points at 4 rebounds si Rey Suerte para sa Revellers na may tatlong sunod na panalo na ngayon.
Sa kabilang banda, nauwi sa wala ang 18 at 17 points nina Valandre Chauca at Fonso Gotladera, ayon sa pagkakasunod, para sa Family Mart na tinapos ang kampanya sa 1-7 marka.
Sa isa pang laro, kumamada naman ng 20 points si Dave Ildefonso para sa 100-74 paggupo ng SMDC-NU kontra sa Perpetual.
Winakasan ng Bulldogs ang kanilang laban sa apat na sunod na panalo para sa 4-5 baraha.
Hindi naman nagkasya ang 17 markers ni Tonton Peralta para sa Altas na nalaglag sa 2-7.
CHE’LU BAR 77 - Batino 14, Viernes 13, Suerte 13, Bautista 10, Dagangon 9, Collado 7, Dumapig 4, Taganas 3, Manalang 2, Siruma 2, Gabo 0, Bringas 0, Ng 0.
Family Mart-Enderun 72 - Chauca 18, Gotladera 17, Hayes 13, Escoto 9, Kuoakou 3, Nunez 3, Gatdula 3, Dungan 3, Vidal 2, Sacundo 1, Tancioco 0, Dela Cruz 0.
Quarterscores: 12-22; 38-42; 54-62; 77-72.