MANILA, Philippines — Lalong pinalakas ni June Mar Fajardo ang kanyang laban bilang walang dudang Greatest Of All Time sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ay matapos niyang walisin ang lahat ng individual awards ngayong conference gayundin ang pinakamahalagang kampeonato bunsod ng dikit na Game 7 win ng San Miguel kontra sa Magnolia sa katatapos lang na 2019 PBA Philippine Cup.
Nauna nang pinarangalan bilang Season Most Valuable Player sa simula ng taon, kinubra din ng 6’10 na higante ang Best Player of the Conference.
Ito na ngayon ang kanyang ikaanim na sunod na BPC at ikawalong pangkabuuan - - dagdag pa ang limang MVP - - upang maging pinakamatagumpay na manlalaro pagdating sa individual awards.
Sa championships, naibulsa rin ni Fajardo ang kanyang ikapitong titulo tungo rin sa pagsungkit ng kanilang ikatlong Finals MVP sa likod ng inirehistrong 22.9 puntos, 19.1 rebounds at 1.9 blocks sa pitong laro.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, ayaw isipin ni Fajardo na malayo na nga ang kanyang narating at sya na ang GOAT ng PBA.
“Hindi ko iniisip ‘yun. Lagi ko lang sinasabi sa sarili ko ung mga awards ko, ‘yung mga napanalunan ko chine-cherish ko pero kini-keep ko lang sa puso ko,” ani Fajardo matapos kumayod ng 17 puntos at rekord na 31 rebounds sa Game 7. “Hindi ko pinapaabot sa utak ko.”
Ayon kay Fajardo, hindi naman niya kasi inaako nang mag-isa lang ang kanyang mga tagumpay dahil aniya’y panalo ito ng buong San Miguel Beer.
“Sobrang blessed ko lang siguro talaga. Thankful ako na naging part ako ng team na to, sa organization na to. Sobrang blessed ko talaga. Di ko ineexpect na ganito maabot ko,” dagdag ng Cebu pride.