Nilapa ang Lady Eagles sa game one
MANILA, Philippines — Winalis ng University of Santo Tomas Tigresses ang Ateneo Lady Eagles, 25-17, 25-16, 25-20, para angkinin ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three championship series sa Season 81 UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pangunguna ni MVP candidate Sisi Rondina at mga rookies na sina Kecelyn Galdones at Eya Laure ay ipinakita ng Tigresses ang mas agresibong laro para makamit ang unang panalo sa Lady Eagles simula noong 2012 sa harap ng mahigit sa 17,682 volleyball fans.
Humataw si Rondina ng 23 points kabilang na ang 20 attacks, 2 blocks at 1 ace para ihakbang ng UST ang isang paa patungo sa kanilang pang-17 titulo at una sapul noong 2010.
“Nagpasalamat kami kay coach Kungfu Reyes dahil marami kami talagang natutunan sa kanya. Nag-respond lamang kami sa mga itinuturo niya sa amin. Sa panalong ito, whatever it takes paninindigan na talaga namin,” ani Rondina. “Kami naman.”
Matapos angkinin ang dalawang sets ay nagpasiklab si Rondina ng malalakas na atake sa ikatlong set para ilayo ang Tigresses sa 21-20 laban sa Lady Eagles.
Hindi na pinatagal ng UST ang laro at tinapos ang Ateneo sa loob ng 81 minuto.
Hangad ngayon ng Tigresses na tapusin ang serye at angkinin ang titulo sa Game Two sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena.
Samantala sa men’s division, humakbang palapit ang National University Bulldogs para sa back-to-back championship matapos padapain ang Far Eastern University Tamaraws, 21-25, 25-23, 25-23, 25-18, sa Game One ng kanilang best-of-three title series.
Humakot si MVP candidate Bryan Bagunas ng 18 points na may kasamang 13 excellent receptions.