Ayaw nang pakawalan ng San Juan Knights

MANILA, Philippines — Target ng San Juan Knights na tuluyan nang angkinin ang korona sa muling pagharap sa bisitang Davao Occidental Tigers ngayon sa Game 4 ng best-of-five National Finals ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup sa The Arena  sa San Juan City.

Matapos itakas ang 67-64 panalo sa Game 3 ng serye noong Abril 16, malaki ang tiwala ng Knights ni coach Randy Alcantara na matatapos na ang Finals sa kanilang teritoryo mismo.

Muling magtatagpo ang Knights at Tigers sa alas-7 ng gabi kung saan inaasahan ang dagsa ng mga fans para suportahan ang asam ng San Juan na ikalawang titulo kasunod sa kanilang kampeonato sa Metropolitan Basketball Association (MBA) noong 2000.

Nagwagi ang Knights ni dating Sen. Jinggoy Estrada sa Game 1 (84-74) noong Abril 11, ngunit nabigo sa Game 2 (60-67) noong Abril 13 sa homecourt ng Tigers.

Sasandal si coach Alcantara kay Jhobard Clarito matapos umani ng 12 puntos, 18 rebounds, dalawang assists, tatlong steals at dalawang blocks sa Game 3  upang ihakbang ang isang paa sa korona.

Bukod kay Clarito, aasahan din ni Alcantara sina  Michael Ayon Ayon na tumipak ng 15 puntos sa Game 3 at 12 puntos mula kay John Wilson.

Tiyak din ang muling paghataw ni  Mac Mac Cardona na umani ng siyam na puntos, dalawang rebounds, tatlong assists at dalawang steal sa nakaraang laro habang walong puntos at pitong rebounds kay  Larry Rodriguez.

  Hangad din ni coach Alcantara na lalo pang pagbutihin ang kanilang shooting percentage kung saan umani lamang sila ng 31 porsyento sa nakaraang laro bukod sa 25 turnovers kung ikukumpara sa 35 percent ng Tigers.

Ngunit dahil sa kanilang mahigpit na depensa nalimitahan nila ang top scorers ng Tigers na sina Mark Yee na umiskor lamang ng pitong puntos at tatlo sa dating pro na si Leo Najorda kaya nagwagi ang San Juan.

Show comments