MANILA, Philippines — Nakabalik na sa line-up ng Barangay Ginebra sina Mark Caguioa, Art Dela Cruz, Jervy Cruz at Julian Sargent mula sa kanilang mga injuries subalit si Joe Devance naman ang nadale ng injury.
Umiinda ng plantar fasciitis sa kanang paa ang 6-foot-7 big man kaya’t hindi muna makakasama sa kampanya ng Gin Kings sa 2019 PBA Philippine Cup.
“He is going to be out at least two weeks,” ani head coach Tim Cone. “He is doing a good job. He lost a lot of weight over the last few weeks and that takes some of the pressure off his foot.”
Nagkaroon ng iba’t ibang injuries ang 37-anyos na beterano kabilang ang knee injury na nagkait sa kanyang makalaro noong 2018 PBA All-Star Weekend Visayas Leg sa Iloilo City.
Nadale rin siya ng foot fracture na naging dahilan ng hindi niya paglalaro sa malaking bahagi ng elimination round ng 2018 Governors’ Cup subalit naglaro pa rin sa kabila nito upang tulungan ang Gin Kings bago kapusin laban sa Magnolia Hotshots sa kanilang title retention bid.
Umaasa si Cone sa iba pang big man na sina Jervy Cruz at Aljon Mariano kapalit ni Devance.