MANILA, Philippines — Magsisimula ngayon ang playoffs ng MPBL Datu Cup sa Bataan People’s Center kung saan ang top seeded at host team na Bataan Risers ay haharap sa Caloocan Supremos habang magsasagupa rin ang Manila at Bulacan sa kani-kanilang best-of-three series.
Haharapin ng Bataan ang Caloocan sa main game sa alas-9:00 ng gabi habang ang Manila at Bulacan game ay sa alas-7:00.
Ang Risers ang may-ari ng tournament best record sa elimination round sa kanilang 23-2 win-loss record na malayo sa kanilang tinapos noong nakaraang season kung saan sila ay pang-eighth place at muntik pang malaglag sa playoffs.
Sa unang kampanya ni basketball legend Jojo Lastimosa bilang head coach ay maganda na ang kanyang ipinakita matapos balasahin ang koponan at gawing key player si Gary David na tutulungan nina Pamboy Raymundo, Byron Villarias and Ryan Batino, ex-pro Rob Celiz, guard Yvan Ludovice, Richard Escoto at Gab Dagangon.
Katapat ng Bataan ang Supremos na tumapos bilang eighth seeded na may malaking hamon dahil haharapin nila ang pinakamahusay na koponan sa torneo na itinayo nina Senator Manny Pacquiao kasama si PBA legend at former MVP Kenneth Duremdes bilang commissioner.
Haharapin ng fourth seed Manila ang No. 5 Bulacan sa kanilang sariling best-of-three series.
Ang Robust Energy Capsule-backed Stars ay pinapaboran laban sa Mighty Sports-supported Kuyas na nahihirapan dahil sa pagkawala ng kanilang mga key players na sina Jorey Napoles at GBoy Babilonia na umakyat na sa pros at Hans Thiele na ini-release kamakailan lang.