MANILA, Philippines — Bagong pinto kaagad ang nagbukas para kay Jett Manuel, isang araw matapos ang maaga niyang pagreretiro mula sa PBA.
Ito ay matapos siyang kunin ng club team na Mighty Sports para sa paparating na 2019 Dubai International Basketbaall Championship sa Pebrero.
Makakasama ng 26-anyos na si Manuel sina Gab Banal, Joseph Yeo, Ginebra resident import Justin Brownlee, dating NBA player na si Lamar Odom at Chinese Basketball Association (CBA) import na si Randolph Morris.
Posible ring idagdag ang mga UAAP stars na sina Santi Santillan ng La Salle at Juan Gomez De Liaño ng University of the Philippines sa koponang gagabayan ni coach Charles Tiu.
Magugunitang noong Biyernes ay inanunsyo ng dating UP standout na si Manuel ang pagreretiro niya sa Ginebra isang taon lang matapos mapili bilang 12th overall pick noong 2017 PBA Annual Rookie Draft.
Ayon kay Manuel, hindi ito madaling desisyon para sa kanyang pamilya para maituon niya ang atensyon sa propesyon bilang lisensyadong Civil Engineer.
“It was definitely short, but definitely sweet. Choosing to retire was not easy but I’m excited for everything that lies ahead,” aniya.
“I’ll always be connected to the game of basketball, but in different form this time.”
Magiging part-time lamang ang paglalaro ni Manuel sa Dubai tourney lalo’t mula 7 hanggang 16 ng Pebrero lamang ito magaganap.
Ito ang ikalawang beses na maglalaro sa international stage si Manuel dahil sumalang na rin siya para sa Mighty Sports sa parehong Dubai Tournament noong 2017 gayundin sa Chooks to Go Pilipinas sa FIBA Asia Champions Cup sa parehong taon.
Mapapasabak ang Mighty Sports sa siyam na iba pang koponan tulad sa pangunguna ng host team na United Arab Emirates na ipaparada ang kanilang national basketball team.
Kasama rin ang palabang mga koponan na Al-Nasr mula ng Libya, As Sale ng Morocco, Es Rades ng Tunisia, Al Ahly at Al Zamalek ng Egypt gayundin ang Al Riyadi, Homentmen at Al-Hikma ng Lebanon.