MANILA, Philippines — Kahit nanguna ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa standings pagkatapos sa double-round elimination, wala man lang kahit isa sa kanila ang mapapasama sa Mythical 5 sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament Awards.
Nakuha ng Nigerian na si Bright Akhuetie ng University of the Philippines ang MVP honor at base sa statistics makakasama niya sa Mythical 5 ang kanyang teammate na si Juan Gomez de Liaño, Alvin Pasaol ng University of the East, Justine Baltazar ng De La Salle at Jerrick Ahanmisi ng Adamson.
Nanguna ang 6’7 center Akhuetie sa statistics sa kanyang average na 18.9 puntos, 14.6 rebounds, 2.8 assists at 1.1 steals kada-laro habang si Gomez ay mayroong 16.2 puntos, 6.6 rebounds at 5.5 assists bawat laro.
Pagkatapos ng elims, umani si Akhuetie ng 82.5 statistical points habang si GDL (Gomez) ay 63.9 SPs. Si Pasaol naman ay pumangalawa sa 74.6 SPs at 61.3 SPs naman kay Baltazar. Nakakuha naman si Ahanmisi ng 58.4 SPs.
Ang Ivorian center na si Angelo Kouame ng Ateneo ay pumapangalawa sa MVP race sa kanyang 76.2 SPs pero may patakaran ang UAAP na isa lamang na foreign player ang puwedeng pumasok sa Mythical Team kaya hindi na siya kinokunsider.