Travis magbabalik sa PBA para sa Magnolia
MANILA, Philippines — Ang matalik na kaibigan ni NBA superstar LeBron James na si Romeo Travis ang kinuha ng Magnolia bilang import para sa darating na 2018 PBA Governors’ Cup.
Tubong Akron, Ohio katulad ni James at naging high school basketball teammates sa St.Vincent-St. Mary, nakatakdang magbalk si Travis sa PBA dalawang taon matapos ang kanyang unang stint para sa Alaska.
Sa likod ng kanyang mga averages na 21.4 puntos, 12.6 rebounds at 3.0 assists ay tinanghal si Travis bilang PBA Best Import at binitbit ang Alaska sa 2015 Governors’ Cup Finals bago yumukod sa nagharing San Miguel, 0-4.
Iyon ang inaasahang madadala ulit ng 33-anyos na si Travis sa Hotshots na sabik makabawi sa season-ending conference.
Magugunitang maagang nasibak sa kontensyon ang Magnolia sa 2018 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals nang yumukod sa second seed at armado ng ‘twice-to-beat incentive’ na Alaska.
Malaking bagay sa masaklap na kampanya ng Hotshots sa mid-season conference ang papalit-palit na imports nang magparada ng apat na reinforcements sa katauhan nina Vernon Macklin, Curtis Kelly, Justin Jackson at Wayne Chism.
Kasama si Travis sa 2018 PBA Governors’ Cup, umaasa si coach Chito Victolero na hindi na mauulit ang problemang iyon ukol sa imports nila na naging dahilan ng pagkakapatid ng kanilang four-conference streak ng pagpasok sa semifinals.
Ayon kay Victolero, darating si Travis sa Hulyo 29 kasabay din ng pagbabalik-ensayo ng Hotshots.
Kagagaling lamang ni Travis sa solidong stint sa France kung saan siya nagrehistro ng 11.3 puntos, 4.71 rebounds at 2.41 assists.
- Latest