MANILA, Philippines – Parehong nagtala ng unanimous decision win sina Rio Olympics veteran Rogen Ladon at Ramel Macado sa kani-kaniyang dibis-yon upang umabante sa semifinals ng 2018 President’s Cup International Boxing Tournament na ginaganap sa Daulet Sports Complex sa Astana, Kazakhstan.
Iginupo ni Ladon si Al Kuandikov ng Kazakhs-tan sa pamamagitan ng impresibong 5-0 desisyon sa men’s flyweight (52 kg.) habang namayani naman si Macado sa isa pang Kazakhs na si Erzhan Zhomart sa men’s light flyweight (46-49 kg.).
Kapwa nag-bye sa opening-round sina Ladon at Macado.
Sunod na makakalaban ni Ladon ang magwawagi kina Yurachai Wuttichai ng Thailand at Sachiin ng India habang lalarga si Macado kontra sa mananalo kina Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan at Lalbiakkima Nutlai ng India.
Bigo namang umusad sa medal round sina Olympian at Incheon Asian Games silver medallist Charly Suarez, Southeast Asian Games champion Marvin John Tupas at female boxer Caroline Calungsod matapos matalo sa kani-kaniyang laban.
Yumuko si Suarez kay Shunkor Abdurasulov ng Uzbekistan sa quarterfinals ng men’s lightweight (60 kg.) habang tumupi si Tupas sa kanyang unang pagsalang sa men’s light heavyweight (81 kg.) laban kay Nurmagambet Bi ng Kazakhstan.
Hindi rin nakaporma si Calungsod kay Jitpong Jutamas ng Thailand sa women’s 57 kg. class.
Nakatakda pang lumaban si Jeorge Edusma sa men’s bantamweight (56 kg.) kung saan makakaharap nito si Xu Boxiang ng China sa torneong nilahukan ng 170 boxers mula sa 13 bansa.