Gilas practice binisita ni MVP
MANILA, Philippines — Sino nga ba ang hindi gaganahan sa panonood ng ‘Godfather’ ng Philippine basketball.
Sinaksihan ni Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manny V. Pangilinan ang unang ensayo ng mga miyembro ng Gilas ‘23 for 23’ at ng Gilas Veterans noong Lunes ng gabi sa Meralco Gym.
Sa kanyang nakita ay kumpiyansa si Pangilinan na makikipagsabayan ang mga Nationals sa pinaghahandaang FIBA World Cup sa 2023 na pamamahalaan ng Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia.
“Just came from Gilas practice, first in the new year. Veterans and cadets. Cream of Philippine basketball all in one court. What a sight to behold, makes me optimistic about Gilas future,” sabi ni Pangilinan sa kanyang Twitter account.
Kabilang sa mga miyembro ng training pool na sumabak sa ensayo kasama ang Gilas Pilipinas veterans ay sina Isaac Go, Thirdy Ravena, Kemark Carino, Paul Desiderio, J-jay Alejandro, Javee Mocon, Robert Bolick, Juan Gomez De Liano, Will Gozum, CJ Perez, Arvin Tolentino, Jeo Ambohot at Joshua Sinclair.
“My thanks to the Gilas veterans and new Gilas cadets who answered the call to serve, and attended their first joint practice last night. Welcome to the Gilas family,” ani Pangilinan.
Nakasabay nila sa ensayo sina Kiefer Ravena, Troy Rosario, Allein Maliksi, Carl Cruz, Roger Pogoy, Mac Belo, Kevin Alas, Jio Jalalon, Japeth Aguilar, Jayson Castro, Matthew Wright at Gabe Norwood habang hindi naman dumalo sina four-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, Calvin Abueva at Raymond Almazan.
Ang 16-man pool ang isasabak ni Reyes laban sa Australia at Japan sa susunod na buwan sa pagpapatuloy ng ‘home-and-away series’ ng Asian Qualifiers para sa 2019 FIBA World Cup.
Sinabi ni national head coach Chot Reyes na tuluyan na niyang ihahalo ang mga bagitong players sa mga Gilas PIlipinas veterans simula sa susunod na linggo.
“For now, that’s the plan, until we can come up with a more regular, more definite schedule,” wika ng bench tactician “This is far from fixed. Ang gusto lang namin, masimulan, maumpisahan.”
Sasagupain ng Nationals ang Boomers sa Pebrero 22 sa Margaret Court Arena sa Melbourne, Australia bago harapin ang Japanese team sa Pebrero 25 sa Smart Araneta Coliseum.
Magkatabla sa liderato ng Group B ang Pilipinas at ang Australia sa taglay nilang 2-0 record, habang wala pang panalo ang Japan at Chinese-Taipei sa tig-dalawang asignatura.
Tinalo ng Nationals ang Japan, 77-71 noong Nobyembre 24 sa Komazawa Olympic Park Gymnasium sa Tokyo at pinadapa ang Taiwanese, 90-83 noong Nobyembre 27 sa Smart Araneta Coliseum.
Nangunguna ang China sa Group A sa kanilang taglay na 2-0 kartada sa itaas ng Korea (1-1), New Zealand (1-1) at Hong Kong (0-2) habang nasa Group C ang Jordan (2-0), Lebanon (1-1), Syria (1-1) at India (0-2) at ang Group D ay binubuo ng Kazakhstan (2-0), Iraq (1-1), Iran (1-1) at Qatar (0-2).
Ang Top Three teams mula sa apat na grupo ay uusad at hahatiin sa Group E at F sa second round ng ‘home-and-away’ series ng Asian Qualifiers.
Gagawin ang 2019 FIBA World Cup sa China, tinalo ang Pilipinas sa bidding noong 2015.
- Latest