Blaze Spikers balik sa dating porma

MANILA, Philippines - Bumawi ang Petron nang bumalik ang dating porma para sa 26-24, 22-25, 25-19, 26-21 panalo laban sa two-time Grand Prix champion Foton sa ikalawang araw ng Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference final round sa The Arena sa San Juan City.

Pinamunuan ni da-ting University Of Santo Tomas standout Aiza Maizo-Pontillas ang ratsada ng Blaze Spikers nang humataw ito ng 15 kills habang sumuporta sina Ces Molina, Mina Aganon at Mika Reyes para makuha ang panalo.

Nakabawi ang Blaze Spikers sa 25-22, 18-25, 25-15, 25-19 pagkabigo sa Cignal sa unang araw ng final round upang umangat sa 1-1 baraha.

Sa classification round, iginupo ng Cocolife ang Sta. Lucia Realty, 25-23, 23-25, 25-17, 12-25, 15-11 upang umusad sa battle-for-fourth place.

Naging matatag na sandalan ng Asset Managers sina Rosemarie Vargas at Michele Gumabao partikular na sa fifth set para makuha ang panalo.

Umani si Vargas ng 20 puntos kabilang ang 18 attacks habang naglista si Gumabao ng 18 puntos para pamunuan ang atake ng Asset Managers na nagkaroon ng tsansang makalaro ang Kobe Shinwa Women’s University sa isang tuneup game bilang paghahanda sa classification round.

Kumana si Ranya Musa ng 12 kills at tatlong aces samantalang nagdagdag si Janine Navarro ng 14 markers para sa Sta. Lucia.

Tinapos ng Lady Realtors ang kampanya nito sa ikaanim na puwesto. Nauna nang lumasap ang Sta. Lucia ng kabiguan sa Generika-Ayala noong Huwebes.

Show comments